All content and recipes in this website unless stated otherwise are © Copyright Lutong Cavite™
No reproduction without prior permission.

Thursday, November 23, 2017

Kalamay Buna



Ang KALAMAY BUNA ay isang uri ng kakanin na bantog na makikita at mabibili sa Bayan ng Indang sa Cavite. Gawa ito sa galapong, panutsa o asukal Carmelo, kakang-gata at dumalagang niyog. Tinawag itong KALAMAY BUNA sa karangalan ng pangalan ng baryo kung saan ito nagmula, ang Baryo Lejos Buna (dalawa ang Baryo Lejos Buna sa Indang, I at II), dalawa sa 36 na baryo ng Indang. Unang ipinakilala ang KALAMAY BUNA sa publiko noong 1937 ng isang 17 taong gulang na si Emiliana Panganiban ayon sa saliksik ni Joel Malabanan. Sulong ang bilao at matiyagang inilalako sa kabayanan ng Indang ang tuklas na KALAMAY BUNA. Isa ito sa tatlong ipinagmamalaking kalamay ng Indang, ang kalamay pula, kalamay puti at kalamay niyog. May dalawa itong hugis, bilog at parihaba. Ayon sa isang alamat, ang pangalang BUNA ay nanggaling sa pangalan ng isang prinsesa na may gayung pangalan na umibig sa isang hardinero ng kanilang palasyo na si Lakal na mahilig gumawa ng pabango mula sa tanim na bulaklak sa hardin ng palasyo. Isang tula ang isinulat ni Joel Malabanan na may pamagat na "Kalamay Buna" bilang pagpupugay sa ikonong pagkain na ito na maraming kabataan ng Indang ang nakapagtapos sa pag-aaral dahil sa natatanging kalamay na ito. Ang salitang KALAMAY ay mula sa salitang Hiligaynon-Bisaya na kasing kahulugan ng salitang matamis at asukal. Bantog ang Bayan ng Candon sa Ilocos bilang ulumbayan ng Kalamay sa Pilipinas. Sa kasalukuyan, ang KALAMAY BUNA ay isang iniingatang industriya sa bayan ng Indang at sa kabuuan ng lalawigan ng Cavite. Isang kooperatiba ang itinayo sa bayan ng Indang bilang pagpapahalaga at pagpupugay sa herensiyang pagkain na ito, ang Samahan ng Magkakalamay ng Buna Lejos.



Article by: Jose Benigno Salvador
Posted with PERMISSION

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...