Saturday, September 10, 2022

Cavite City History by Mr. Leon Junn Evangelista Young

Photo Circa 1874

Ang tinatawag lamang na "CAVITE" noong bago pa lamang ang mga Kastila rito ay ang kasalukuyang Lungsod ng Cavite, Noveleta, Kawit at Imus lamang at hindi pa itinuturing na 'bahagi' ng Cavite ang Rosario, Tanza, Gen. Trias at iba pang mga karatig-bayan noong mga panahong iyon?

Ang "Tangway" na tinutukoy sa mga lumang dokumento at aklat-pangkasaysayan ay ang Cavite City ngayon, dahil ito lamang sa buong lalawigan ng Cavite na ang lupain ay isang tangway (peninsula). Ito rin ang orihinal na "Kawit,"mula sa salitang "kalawit," dahilan sa hugis nito. Tinatawag itong "Keit," pabaluktot na salita mula sa salitang Kawit, ng mga mamgamgalakal na Intsik o yung mga tinatawag noon na mga "Sangley" o "Sanglay."

Noong dumating ang mga Kastila at itinatag ito noong Mayo 16, 1571 ni Conquistador Miguel Lopez de Legaspi, tinawag nila itong "Cavite," pabaluktot na salita na ang ibig sabihin ay Kawit, at dahil may sarili silang punto sa pagbigkas, kapag binibigkas nila ang salitang Kawit ay nadudugtungan ng "eh," at nagiging "Kawit-eh," kaya nang lumaon ito ay naging Cavite.

At dahilan sa ang Cavite City noon ay hindi pa masyadong matao, dahil ang karamihan dito ay mga mangingisda lamang, humanap sila ng lugar kung saan mas marami ang mga taong naninirahan, at nakita nila ito sa kasalukuyang Bayan ng Kawit ngayon. Itinatag nila ito noong 1587, 16 taon makaraang maitatag nila ang Cavite (Cavite City ngayon) at dito nila itinatag ang "Kabisera" (kapitolyo) ng Cavite, at tinawag nila ang Cavite City noon na "Cavite la punta" na ang ibig sabihin ay "dulo ng Cavite." At dahil noong mga panahong iyon ay namamayagpag na ang kanilang pakikipagkalakalan sa Acapulco, Mexico at nakita nila na ang Cavite City noon ay magandang pagawaan ng mga sasakyang pandagat partikular na ng mga galyon, mula sa kasalukuyang Bayan ng Kawit ngayon, ay inilipat nila ang Kabisera sa Cavite City noon, at tinawag nila ang Bayan ng Kawit na "Cavite el Viejo" na ang ibig sabihin ay "Lumang Cavite," ang Cavite City ngayon ay tinawag naman nilang "Cavite el Nuevo" o Bagong Cavite." Tinawag lamang na Kawit ang dating Cavite el viejo sa bisa ng isang batas noong 1907.

Noong 1614 tuluyan ng itinatag ng mga Kastila bilang hiwalay na bayan ang Puerto de Cavite, at San Roque, bagama't ang pamamahala sa bayan ng San Roque ay ipinagkatiwala sa pamahalaan ng Puerto de Cavite hanggang noong taong 1720, at noong 1869, itinatag ang Bayan ng La Caridad. Noong 1903, sa bisa ng batas na inaprobahan ng Philippine Commission, inalis ang pangalan ng Puerto de Cavite at ito ay isinanib na lamang sa San Roque, bilang isang distrito, kasama ang mga distrito ng Caridad, Santa Cruz, Dalahikan at San Antonio, at pinagsama-sama ang mga ito bilang Munisipalidad ng Cavite.

Ang Noveleta na ang dating pangalan ay "Tierra Alta," (na ang ibig sabihin ay "Mataas na lugar") na dating baryo lamang ng Kawit ay inihiwalay at naging isang bayan noong 1868, bagama't nauna rito ang Imus na dati ring baryo lamang ng Kawit at naitatag noong 1795.

Sa bisa din ng batas na iniakda noong 1903, ang mga bayan at lungsod ngayon na bumubuo sa Lalawigan ng Cavite ay pinagsama-sama bilang isang probinsiya. 


History by : Mr. Leon Junn Evangelista Young



1 comment:

  1. I believe our historical past, especially that of Cavite province and Cavite City. It’s very historical, and the cradle of revolution (vs Spanish colonial government). VIVA CAVITE‼️

    ReplyDelete